Asintado

Magkapareho tayo
Parehong maraming beses nang nasaktan
Paulit-ulit
Sa iba’t ibang paraan
Ng iba’t ibang tao

Matagal ko nang itinago’t kinandado ang aking puso
Kinaladkad at binalot noong maiwang tipak-tipak
Pinilit gawing buo
Kinulong, itinapon ang mga susi
Pilit inilayo sa gulo

Natuto na ako
Natuto na ako
Natuto na ako

Tinuruan ang sariling ‘wag magpatalo
Nagtayo ng pader na hindi makakapasok kahit sino
Binuo ng bawat sakit, pamamaalam, at pagkadismaya na dinulot ng iba
May mga pilit tumibag pero mas lalong pinatibay
Pero ikaw, hindi ka natitinag
Bumabangon ka pa rin at nagpapatuloy
Nagtitiwala, umiibig
Paulit-ulit
Sa iba’t ibang paraan
Ng iba’t ibang tao

Matagal na kitang pinagmamasdan
Sinisilip mula sa loob ng aking kulungan
Nakakamangha
Tila may salamangkang pumapalibot sa’yo
Kakaibang sigla na nag-uumapaw sa iyong puso
Ramdam ko
Parang kidlat na paulit-ulit tinitirador
ang puso kong matagal nang sarado
Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko tuwing nariyan ka
Pinaghalong takot, saya, at kaba
Minsan pakiramdam ko nababaliw na ‘ko
Unti-unting nababaliw sa’yo

Ang ‘yong bawat ngiti,
iniilawan ang daan papunta sa ‘king kulungan
Bawat tapik, mga haplos, sinusubukang hanapin
at sungkitin ang nakakubli kong puso

Ang ‘yong bawat bulong, dinadala ako
sa mga susing minsan nang itinapon

Ang ‘yong mga kwento,
isa-isang kinalas ang aking mga kandado

Sinta, alam kong malayo pa bago tuluyang mabaklas
ang mga kadena sa aking puso
Pero handa na akong ibigay ito
Nang paulit-ulit
Sa iba’t ibang paraan
Sa iisang tao
Sa ‘yo.

Word Anonymous

Image by brennanrooks from Pixabay

Leave a comment